Minsan, nagpunta si Samson sa Timna at nakakita siya roon ng isang dalagang Filistea. Nang siya'y umuwi, sinabi niya sa kanyang mga magulang, “Mayroon po akong nakitang isang dalagang Filistea sa Timna. Kunin po ninyo siya para sa akin. Gusto ko siyang mapangasawa.”
“Bakit naman gusto mo pang sa angkan ng mga hindi tuling iyon ka pipili ng mapapangasawa? Wala ka bang mapili sa ating angkan, sa ating mga kababayan?” tanong ng mga ito. Sumagot si Samson, “Basta siya po ang gusto kong mapangasawa.” Hindi alam ng mga magulang ni Samson na ang ginagawa niya ay kalooban ni Yahweh upang bigyan ito ng pagkakataong digmain ang mga Filisteo. Ang Israel noon ay nasasakop ng mga Filisteo. (Mga Hukom 14:1-4 RTPV05)
Huwag na kayong makipag-isa sa mga di sumasampalataya. Maaari bang magsama ang katuwiran at ang kalikuan? O kaya'y ang liwanag at ang kadiliman? (2 Mga Taga-Corinto 6:14 RTPV05)
Ang babae ay nakatali sa kanyang asawa habang nabubuhay ito. Kapag namatay ang lalaki, ang babae ay malaya nang mag-asawa sa sinumang maibigan niya, ngunit dapat ay sa isa ring nananampalataya sa Panginoon. (1 Mga Taga-Corinto 7:39 RTPV05)