Dahil sa ang mga anak na tinutukoy niya ay tao, naging tao rin si Jesus at tulad nila'y may laman at may dugo. Ginawa niya ito upang sa pamamagitan ng kanyang kamatayan ay mawasak niya ang kapangyarihan ng diyablo na siyang may kapangyarihan sa kamatayan. At pinalaya niya ang lahat ng tao na habang panaho'y inalipin ng takot sa kamatayan. (Mga Hebreo 2:14, 15 MBB05).
Kung magagalit man kayo, iwasan ninyo ang kayo'y magkasala. Huwag ninyong hayaang lumubog ang araw na galit pa rin kayo. Huwag ninyong bigyan ng pagkakataon ang diyablo. (Mga Taga-Efeso 4:26, 27 MBB05)
Hindi sila sumasampalataya sapagkat ang kanilang isip ay binulag ng diyos ng kasamaan sa daigdig na ito, upang hindi nila makita ang liwanag ng Magandang Balita tungkol sa kaluwalhatian ni Cristo na siyang larawan ng Diyos. (2 Mga Taga-Corinto 4:4 MBB05)
Ang diyablo ang inyong ama! At ang kagustuhan niya ang ibig ninyong gawin. Noon pa man ay mamamatay-tao na siya. Hindi siya pumanig sa katotohanan kailanman, sapagkat walang puwang sa kanya ang katotohanan. Likas sa kanya ang magsinungaling, sapagkat siya'y talagang sinungaling, at siya ang ama ng kasinungalingan. (Juan 8:44 MBB05)
Dumarating ang magnanakaw para lamang magnakaw, pumatay, at manira. Naparito ako upang ang mga tupa ay magkaroon ng buhay, ng isang buhay na masagana at ganap. (Juan 10:10 MBB05)
Subalit kung ipinapahayag natin sa Diyos ang ating mga kasalanan, maaasahan nating patatawarin tayo ng Diyos sa mga ito, at lilinisin tayo sa lahat ng ating kasalanan, sapagkat siya'y tapat at matuwid. (1 Juan 1:9 MBB05)
Pagkatapos, lumapit ang mga alagad at tinanong si Jesus, nang wala na ang ibang nakakarinig, “Bakit po hindi namin mapalayas ang demonyo?” Sumagot siya, “Dahil sa maliit ang inyong pananampalataya. Tandaan ninyo: kung kayo'y may pananampalataya sa Diyos na sinlaki ng buto ng mustasa, maaari ninyong sabihin sa bundok na ito, ‘Lumipat ka roon!’ at ito'y lilipat nga. Tunay na walang bagay na hindi ninyo magagawa.” (Mateo 17:19-21 MBB05)
Nang pumasok si Jesus sa bahay, palihim siyang tinanong ng kanyang mga alagad, “Bakit po hindi namin napalayas ang masamang espiritung iyon?” Sumagot si Jesus, “Mapapalayas lamang ang ganitong uri ng espiritu sa pamamagitan ng panalangin.” (Marcos 9:28, 29 MBB05)